Naging pangkalahatang payapa, maayos, at walang naitalang anumang malaking insidente o krimen ang tatlong araw na paggunita ng Undas 2026 sa sakop ng Dagupan Police Station 6 mula Oktubre 31 hanggang Nobyembre 2.

Ito ang inihayag ni Police Lieutenant (PLT) Salvador Cacho, Assistant Commander ng Dagupan Police Station 6, matapos ang matagumpay na pagpapatupad ng seguridad sa Bonuan Boquig Public Cemetery, isang pribadong sementeryo at sa Tondaligan Beach Park.

Ayon kay Cacho, naging susi sa napanatiling kapayapaan at kaayusan ang walang-humpay na dedikasyon at sakripisyo ng mga kapulisan na patuloy na naglingkod sa komunidad kahit tatlong araw nang hindi nakakauwi sa kani-kanilang mga pamilya.

Upang matiyak ang kaligtasan ng mga mamamayan, nag-deploy ng sapat na personnel at nagtayo ng Police Assistance Desk (PAD) ang Station 6 sa dalawang sementeryong sakop nito—isang pampubliko at isang pribado.

Bukod dito, naglagay din ng PAD sa Bonuan Tondaligan Beach Park para sa seguridad ng mga nagtutungo sa dalampasigan, pati na rin ang pagtataguyod ng mga fixed point sa mga abalang kanto tulad ng Paras Street upang alalayan ang daloy ng trapiko.