Patuloy na dinagsa ng mga pamilya ang iba’t ibang sementeryo sa Pangasinan ngayong Nobyembre 1, sa unang araw ng paggunita ng Undas 2026, kung saan nanatiling maayos at mapayapa ang sitwasyon sa ilang lugar sa lalawigan.

Sa bayan ng Manaoag, mas naging maayos umano ang sitwasyon ngayong taon kumpara noong nakaraang Undas, batay sa naging obserbasyon sa pagdaloy ng mga dumadalaw sa sementeryo, kapareho rin ang situwasyon sa Dagupan Roman Catholic Cemetery.

Sa Mangaldan, tuloy-tuloy ang pagdating ng mga bisita na may dalang bulaklak at kandila upang alalahanin ang kanilang mga yumaong mahal sa buhay. Ayon kay POSO Chief Gerardo Ydia, maayos at mapayapa ang sitwasyon mula umaga hanggang hapon, sa tulong ng mga nakatalagang POSO personnel, pulisya at barangay tanod.

--Ads--

Mahigpit ding ipinatutupad sa lugar ang pagbabawal sa pagdadala ng matutulis na bagay, alak at malalakas na speaker upang mapanatili ang kaayusan at solemnidad ng paggunita. Wala pa namang naitatalang hindi kanais-nais na insidente.

Samantala, nanatili ring maluwag at maayos ang daloy ng mga dumadalaw sa Roman Catholic Cemetery sa Lingayen. Ayon sa caretaker na si Elizabeth Dela Cruz, halos kapareho lamang ng nakaraang taon ang bilang ng mga bumisita, bagama’t marami pa ring puntod ang hindi nalilinis.

Nagkaroon din ng panandaliang pag-ulan sa Lingayen na tumagal nang humigit-kumulang 30 minuto, dahilan upang pansamantalang kumonti ang mga dumadalaw bago muling dumagsa ang mga ito matapos ang ulan.

Umantabay naman ng mga kawani sa iba’t-ibang ahensiya kagaya ng pulisya at mga rescue personnel upang tiyakin ang seguridad at maayos na daloy ng trapiko sa paligid ng mga sementeryo sa buong Pangasinan. Inaasahan pa rin ang pagdagsa ng mga tao bukas, Nobyembre 2.