Ilang puntod sa Binmaley Catholic Cemetery sa bayan ng Binmaley, Pangasinan ang natabunan na ng lupa bilang bahagi ng isinasagawang renobasyon sa sementeryo.

Makikita sa lugar na halos kalahati ng sementeryo ang natabunan, habang nananatiling naa-access ang kabilang bahagi nito upang mabisita ng mga kaanak ang kanilang mga yumaong mahal sa buhay.

Ayon sa ilang residente, naabisuhan naman sila bago isagawa ang pagtatabon ng lupa at nabigyan din ng pagkakataong ipahukay o ilipat ang mga labi ng kanilang mga kaanak. Gayunman, may ilan na nagpasyang panatilihin na lamang sa naturang sementeryo ang mga labi ng kanilang mga mahal sa buhay.

--Ads--

Isa na rito si Cirilo Ramos Jr., residente ng Binmaley, na nagsabing alam nila ang plano ng pamahalaan at wala silang pagtutol dito dahil naniniwala silang makabubuti ang isinasagawang proyekto.

Samantala, may mga ilang kaanak ng mga puntod na natabunan na sa nakalaang lugar sa harap ng sementeryo na lamang nagsisindi ng kandila bilang pag-alala sa kanilang mga yumaong mahal sa buhay.

Sa kabila nito, nananatiling isyu ang renobasyon matapos sabihin ng ilang pamilya na hindi umano sila nabigyan ng sapat na impormasyon hinggil sa pagtatabon ng mga puntod.

Matatandaang naging sentro ng usapin ang naturang proyekto dahil sa mga labi ng mga yumao na natabunan ng lupa.

Tuloy-tuloy naman ang pagdating ng mga residente sa sementeryo upang alalahanin ang kanilang mga mahal sa buhay, habang nananatili ang pagbabantay ng mga awtoridad para matiyak ang kaayusan at kaligtasan ng mga dumadalaw.