Tiniyak ng Samahan ng mga Magbabangus sa Pangasinan na sapat ang suplay ng bangus sa lalawigan hanggang Disyembre, sa kabila ng bahagyang mas mataas na presyo nito sa Dagupan kumpara sa Maynila.

Ayon kay Christopher Aldo Sibayan, pangulo ng SAMAPA, nasa 170 hanggang 180 pesos kada kilo ang presyo ng bangus sa kasalukuyan, depende sa laki, bigat at dami ng bumibili.

Ipinaliwanag ni Sibayan na mas mura ang bangus sa Maynila dahil sa dagsa ng mga inaani mula sa Bulacan at Laguna, kung saan mas mababa rin ang production cost kumpara sa Pangasinan.

--Ads--

Inaasahan naman niyang magpapantay ang presyo kapag natapos na ang harvest season sa ibang probinsya. Dagdag pa niya, karaniwang tumataas nang bahagya ang presyo tuwing Undas dahil sa pagdagsa ng mga umuuwi at bakasyunista na nagpapataas sa demand.

Patuloy rin ang distribusyon ng SAMAPA ng bangus sa iba’t ibang bahagi ng bansa, kabilang ang Navotas, Malabon at Cagayan Region. Tinatayang kalahati ng mga inaani sa Pangasinan ang naipapadala sa labas ng lalawigan, habang ang natitira ay inilaan sa lokal na merkado.