Maagang tinapos ni Polish President Karol Nawrocki ang kaniyang biyahe patungong Senegal at nagbalik sa Poland kasunod ng tensiyon at kilos-protesta sa labas ng kanilang Constitutional Tribunal.
Naganap ito matapos suspindihin ni Constitutional Tribunal Judge Anna Korwin-Piotrowska si Tribunal President Bogdan Swieczkowski at akuin ang pamumuno sa korte. Naging dahilan ito upang magtipon ang mga tagasuporta ng oposisyong Law and Justice Party sa labas ng gusali bilang pagtutol sa naturang hakbang.
Ayon sa pulisya, tatlong katao ang inaresto matapos makapasok ang ilang demonstrador sa bakod ng tribunal at maghagis ng mga bagay sa mga pulis na nagbabantay sa lugar.
Sinabi ni Nawrocki na kinakailangan niyang bumalik sa bansa sa gitna ng sitwasyon. Samantala, iginiit ni Prime Minister Donald Tusk na bahagi ito ng pagsisikap ng kaniyang administrasyon na maibalik ang rule of law at kalayaan ng hudikatura sa Poland.
Nag-ugat ang sigalot sa matagal nang pagtatalo sa pagitan ng administrasyon ni Tusk at ng oposisyon hinggil sa mga pagkakatalaga ng mga hukom at pamamahala sa Constitutional Tribunal.










