Dagupan City – Umarangkada na sa sampung pampublikong paaralan sa bayan ng Mangaldan, Pangasinan ang programang Bakuna Eskwela na naglalayong mapalawak ang proteksiyon ng mga mag-aaral laban sa ilang sakit na maiiwasan sa pamamagitan ng pagbabakuna.
‎
Isinasagawa ang programa sa pangunguna ng Department of Health at Department of Education, katuwang ang lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng Municipal Health Office.
‎
Nagsimula ang pagbabakuna nitong Oktubre 26 at saklaw ang mga mag-aaral sa Gueguesangen Integrated School, David National High School, gayundin sa mga paaralang elementarya sa mga barangay ng Tebag, Nibaliw, Lanas, Maasin, Inlambo at Macayug.
‎
Kabilang sa mga bakunang ibinibigay ang Measles-Rubella at Tetanus-Diphtheria vaccine para sa mga mag-aaral sa Grade 1 at Grade 7. Samantala, ang mga babaeng mag-aaral sa Grade 4 at Grade 5 naman ang target para sa Human Papillomavirus o HPV vaccine, na nakatutulong sa pag-iwas sa impeksiyong maaaring magdulot ng cervical cancer.
‎
Hinikayat naman ang mga magulang at pamunuan ng mga paaralan na makipagtulungan sa pagpapatupad ng programa, partikular sa pagtiyak na may pahintulot at sapat na impormasyon ang mga mag-aaral bago tumanggap ng bakuna.