Inilunsad ng Talavera National High School ang Mental Health Caravan 2026 bilang bahagi ng pagsusulong ng kamalayan at pagbibigay ng suporta sa mental health ng mga mag-aaral, guro at iba pang kawani ng paaralan.
Ayon kay Wilson G. Santos, Guidance Coordinator III ng paaralan, nakabatay ang programa sa Republic Act 11036 o Philippine Mental Health Act, Republic Act 12080 o Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act, at DepEd Memorandum No. 50, series of 2025.
Naging bahagi rin umano ng pagtulak sa pagsasagawa ng caravan ang mga naitalang insidente ng pagpapakamatay sa mga nagdaang taon, na nagbigay-diin sa pangangailangang palakasin ang mga programang pangkalusugang pangkaisipan sa paaralan.
Sa isinagawang aktibidad, nasa 80 kalahok ang nabigyan ng counseling services upang matugunan ang kanilang mga pangangailangan at mabigyan ng pagkakataong maibahagi ang kanilang mga pinagdaraanan.
Binigyang-diin ni Santos ang kahalagahan ng programa upang maramdaman ng mga mag-aaral na may mga taong handang makinig, umunawa at sumuporta sa kanila.
Nais din nilang maipabatid sa mga estudyante na normal lamang ang paghingi ng tulong at hindi dapat ikahiya ang paghahanap ng suporta upang mapangalagaan ang kanilang mental at emosyonal na kalusugan.







