Dagupan City – Patuloy na pinag-aaralan ng Alaminos City ang mga hakbang upang higit pang mapalakas ang turismo sa lungsod, kabilang ang paghahanda sa posibleng pagdating ng mga cruise ship na maaaring magdala ng mas maraming turista sa Hundred Islands at iba pang pasyalan sa lugar.
Layunin ng hakbang na mapalawak ang turismo sa lungsod, mapataas ang bilang ng mga bisita at mabigyan ng karagdagang oportunidad ang mga lokal na negosyante at komunidad na makinabang sa pagdagsa ng mga turista.
Ayon kay Miguel “Mike” Sison, Tourism Officer ng Alaminos City, bahagi ito ng kanilang mga hakbang upang higit pang maitaguyod ang lungsod bilang isang pangunahing destinasyon ng turismo, partikular na ang Hundred Islands National Park na binubuo ng 124 na isla at pulo.
Samantala, kinilala rin ang Alaminos City sa ginanap na Association of Tourism Officers of the Philippines (ATOP) Pearl Awards sa Ormoc City matapos magwagi ang kanilang lahok na Kawayan sa non-food category.
Bukod sa pagkilala sa lungsod, ginawaran din si Sison bilang Most Outstanding Tourism Officer in the Philippines dahil sa kanyang mga kontribusyon sa pagpapaunlad at pagsusulong ng turismo.
Kaugnay nito, napalamutian na rin ang Alaminos City Tourism Office na may temang Under the Sea bilang bahagi ng kanilang paghahanda sa mga aktibidad ngayong Undas.
Dagdag pa rito, patuloy ang pagsusulong ng lungsod sa mga programa at inisyatiba upang mapalawak ang mga oportunidad sa turismo at mapalakas ang partisipasyon ng mga lokal na komunidad at negosyante.
Home Local News Alaminos City, naghahanda sa posibleng pagdating ng mga International cruise ship; Tourism...










