Tinitignang banta sa seguridad at katatagan ng iba’t ibang bansa ang pagpapatuloy ng mga tensyong geopolitical, dahilan upang himukin ang mga mamamayan na maghanda sa mga posibilidad ng emergency.
Ayon sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Geopolitical Observer, Denmark Suede, ang nasabing paghimok ay isang hakbang ng mga pamahalaan habang pinag-aaralan ang paghahanda sa kanilang mga mamamayan sa posibleng krisis.
Kabilang sa mga paghahanda ay ang pag-iimbak ng mga pangunahing pangangailangan tulad na lamang ng mga pagkain na sapat sa pang-tatlo hanggang isang linggo, sampung litrong tubig na aabot sa tatlong araw, mga de latang pagkain, betrya at flashlight.
Kaugnay nito, nilinaw naman ni Suede na hindi nangangahulugang digmaan ang pangunahing dahilan ng mga paghahandang ito dahil maaari rin itong gamitin sa panahon ng mga sakuna at posibleng pagkaantala sa suplay ng pagkain.
Samantala, binigyang-diin din ni Suede na hindi lamang umano ang Pilipinas ang nakararanas ng implasyon sa presyo ng mga bilihin dahil aniya ay kabilang sa mga nakaaapektong salik sa ekonomiya ang nasabing tensyong pandaigdig, tunggalian ng mga bansa at mga suliranin sa kalakalan.
Hinimok naman ni Suede ang mga mamamayan ng Pilipinas na mahalagang pagtuunan ng pansin ang ugnayan ng bansa sa Estados Unidos at China, partikular sa nalalapit na halalan, dahil ito ang magtatalaga sa susunod na pangulo na may malaking papelsa pagtukoy ng direksyon ng patakarang pambansa sa susunod na anim na taon.










