Nanawagan ang Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) sa pamahalaan na pansamantalang ihinto ang pag-aangkat ng karne ng baboy kasunod ng patuloy na pagkalugi ng mga lokal na hog raiser dahil sa mababang presyo ng buhay na baboy o liveweight at mataas na gastos sa produksyon.

Ayon kay Jayson Cainglet, executive director ng SINAG, nagsagawa ng kilos-protesta sa Bulacan ang iba’t ibang grupo kasama ang National Federation of Hog Farmers, upang ipahayag ang kanilang sentimyento sa kalagayan ng industriya ng paghahayupan.

Aniya, sa nakalipas na dalawa hanggang tatlong buwan, bumagsak ang presyo ng liveweight habang patuloy na tumataas ang presyo ng feeds at iba pang gastusin sa pag-aalaga ng baboy. Dahil dito, marami sa mga hog raiser ang napilitang huminto sa operasyon matapos hindi na makabayad sa kanilang mga utang.

--Ads--

Ibinahagi rin ni Cainglet na halos kalahati na ng mga backyard hog raiser ang nawala sa industriya. Mula sa mahigit dalawang libong nag-aalaga ng baboy, nasa isang libo na lamang umano ang natitira. Dagdag pa niya, umaasa rin sa pangungutang ang mga raiser para sa kanilang puhunan, kabilang ang pambili ng feeds at bakuna, na lalo pang nagpapabigat sa kanilang gastusin.

Ayon kay Cainglet, umaabot sa 60 hanggang 100 libong piso ang pagkalugi ng mga hog raiser dahil sa presyong ibinibigay ng mga biyahero sa kanilang mga alagang baboy. Dahil dito, hiniling ng grupo na maglabas si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng executive order upang pansamantalang ihinto ang pork imports at pagbabalik ng mas mataas na taripa sa imported na karne ng baboy.

Naniniwala ang grupo na malaking tulong sa mga lokal na hog raiser ang pagpapatupad ng dalawang hakbang na ito dahil mababawasan ang kompetisyon mula sa imported na baboy at magkakaroon ng mas magandang pagkakataon ang lokal na industriya na makabawi sa pagkalugi.

Babala ni Cainglet, kapag nagpatuloy ang pagkalugi at pagsasara ng mga lokal na babuyan, maaaring dumating ang panahon na umasa na lamang ang bansa sa imported na karne ng baboy. Posible rin umanong tuluyang mawala ang mga backyard hog raiser na mahalagang bahagi ng lokal na suplay ng karne.