Pinaiigting ng San Quintin Municipal Police Station ang police visibility at pakikipag-ugnayan sa mga barangay at paaralan upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan at masugpo ang mga krimen sa bayan ng San Quintin, Pangasinan.
Ayon kay PCapt. Joseph Inay, officer-in-charge ng San Quintin PNP, mahalaga ang pakikiisa ng 21 barangay sa pagpapatupad ng mga hakbang pangseguridad, lalo na ang aktibong suporta ng mga community-based organizations (CBOs) sa pagtugon sa mga suliranin sa kani-kanilang lugar.
Bilang bahagi ng koordinasyon, gumagamit ang pulisya ng group chat kasama ang mga CBO upang mabilis na maiparating at matugunan ang mga reklamo at iba pang concern sa mga barangay.
Pinalalakas din ng San Quintin PNP ang ugnayan nito sa mga paaralan alinsunod sa direktiba ng provincial director. Kabilang dito ang pakikipagpulong sa mga school principal at pagtatatag ng group chat para sa mabilis na pagpapalitan ng impormasyon at pagtugon sa mga pangangailangan ng mga paaralan. Nagsagawa rin ng seminar para sa mga guro noong nakaraang buwan sa koordinasyon ng pamunuan ng Sisinando Elementary School.
Samantala, iniulat ni Inay ang mga hakbang ng pulisya laban sa ilegal na droga sa tulong ng barangay intelligence network at mga residente. Ayon sa kanya, mahalaga ang impormasyong nagmumula mismo sa komunidad upang agad na maaksyunan ang mga hinihinalang transaksiyon ng ilegal na droga.
Binigyang-diin ng opisyal na kabilang sa mga prayoridad ng kanilang himpilan ang paghuli sa mga sangkot sa ilegal na droga at pagtugon sa mga ulat mula sa mga residente at opisyal ng barangay.
Tiniyak naman ni Inay na patuloy na nakahanda ang San Quintin PNP na tumugon sa mga pangangailangan ng publiko at magbigay ng tulong sa mga mamamayan upang mapanatili ang kaligtasan at kaayusan sa kanilang mga komunidad.










