Kinuwestiyon ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) Philippines ang ₱44.5 bilyong bawas sa panukalang badyet para sa edukasyon sa 2027, at iginiit na dapat unahin ang pagpopondo sa mga silid-aralan, pagkuha ng mga guro at mga programang tutugon sa krisis sa pagkatuto ng mga estudyante.

Ayon kay Ruby Bernardo, national chairperson ng ACT Philippines, kulang pa rin ang nakalaang pondo para sa mahahalagang pangangailangan ng sektor ng edukasyon, sa kabila ng patuloy na kakulangan sa mga guro at pasilidad sa mga paaralan.

Sinabi ni Bernardo na walang nakalaang bagong pondo para sa pagkuha ng mga guro sa panukalang badyet, sa kabila ng tinatayang backlog na 150,000 teaching personnel.

Bagama’t inaprubahan ang mahigit 3,600 bagong teaching at teaching-related positions, iginiit niyang hindi pa ito sapat upang matugunan ang pangangailangan ng mga paaralan.

Binigyang-diin din niya ang pangangailangang madaliin ang pagtatayo ng mga silid-aralan, lalo na sa gitna ng matinding init na nararanasan sa mga paaralan.

Ayon sa kanya, target lamang na makumpleto ang 700 silid-aralan, kaya nanawagan ang grupo na dagdagan ang pondo para sa konstruksyon ng mga pasilidad.

Iminungkahi ng ACT Philippines na suriin ang paglalaan ng pondo para sa mga flood control project, confidential at intelligence funds, at iba pang gastusin ng pamahalaan upang mailipat ang bahagi ng mga ito sa mas mahahalagang pangangailangan sa edukasyon.

Iginiit din ni Bernardo na kailangang dagdagan ang pondo para sa Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program ng Department of Education, na naglalayong tulungan ang mga estudyanteng nahihirapang matuto, partikular sa pagbabasa.

--Ads--

Aniya, maraming guro ang napipilitang gumastos mula sa sariling bulsa para sa mga kagamitang panturo, habang sila rin ang pangunahing nagsasagawa ng tutorial sa mga estudyante.

Kaugnay naman ng kumakalat na video ng isang insidente sa isang paaralan sa Mapandan, sinabi ni Bernardo na nakikipag-ugnayan ang ACT Philippines sa paaralan upang matiyak na patas at malinaw ang imbestigasyon.

Hinimok niya ang Department of Education na pakinggan ang magkabilang panig at tiyaking walang mapagbibintangan o maaagrabyado sa proseso.