Nilinaw ng Department of Education (DepEd) Region I na may naunang insidente ng bullying na naging konteksto ng kumakalat na pitong minutong video kung saan makikitang may gurong sangkot sa pagpapainom umano ng Coke sa mga mag-aaral sa isang paaralan sa bayan ng Mapandan dito sa Pangasinan.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay DepEd Region I Regional Director Dr. Estela P. Leon-Cariño, sinabi nitong ang Coke na unang ipinainom ng guro sa video ay hindi pa ang soft drink na may laway, taliwas sa maaaring maging impresyon mula sa kumakalat na video.

Aniya, nagsimula ang insidente noong Oktubre 15 nang may magsumbong sa guro na mag-aaral na pinainom umano sila ng kanilang kaklase ng Coke na may ihi.

--Ads--

Dahil dito, nagpabili ang guro ng Coke at nagbigay ng instruksyon na isagawa ang tinawag na “Battle of Coke,” kung saan dinuraan ng mga mag-aaral ang laman ng bote.

Gayunman, ayon sa salaysay ng guro, hindi niya iniutos na ipainom sa ibang mag-aaral ang softdrinks na may laway.

Ipinaliwanag ng opisyal na matapos umalis ang guro upang magturo sa ibang silid-aralan, kinuha umano ng isa sa mga batang unang nagreklamo ang bote ng softdrinks na dinuraan at ipinainom ito sa kaklaseng pinaghihinalaang nagpainom sa kaniya ng softdrinks na may ihi.

Dito na umano nauwi sa pagsusuka ang isa sa mga mag-aaral, na nabigyan naman ng agarang lunas.

Gayunman, binigyang-diin ni Leon-Cariño na hindi katanggap-tanggap ang naging hakbang ng guro dahil hindi dapat iparanas sa mga batang sangkot sa bullying ang parehong karanasan upang maitama ang kanilang pagkakamali.

Aminado rin umano ang guro na nagkamali siya sa pagbili ng Coke at pagdadala nito sa silid-aralan upang duraan ng mga mag-aaral ngunit iginiit nito na hindi niya iniutos ang pagpapainom sa soft drink na may laway.

Samantala, sinabi ni Regional Director na nagsagawa na siya ng personal na pagbisita sa paaralan upang makausap ang mga mag-aaral, ang school head at ang gurong sangkot at alamin ang buong pangyayari.

Inihayag din nitong naghain siya ng ‘motu proprio complaint’ at inatasan ang abogado ng Schools Division Office ng Pangasinan na magsagawa ng paunang imbestigasyon upang matukoy kung may sapat na batayan para sa pormal na pagsasampa ng kaso laban sa guro.

Sa ngayon, wala pa umanong sapat na batayan upang agad na ipatupad ang preventive suspension laban sa guro, kaya hihintayin muna ang resulta ng imbestigasyon at ang kaukulang proseso.

Samantala, tiniyak ng DepEd Region I na nabigyan ng psychological first aid ang mga mag-aaral na sangkot at patuloy silang ginagabayan upang matugunan ang posibleng epekto ng insidente.

Nanawagan naman ito sa mga magulang na gabayan ang kanilang mga anak, sa mga guro na tiyakin ang kaligtasan ng mga mag-aaral sa loob ng silid-aralan, at sa mga estudyante na iwasan ang bullying at igalang ang isa’t isa.