Naitala ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang 54 na sasakyang pandagat ng China sa ilang bahagi ng West Philippine Sea mula Oktubre 20 hanggang 26, mas mataas kumpara sa 31 na naitala noong nakaraang linggo.
Ayon kay AFP spokesperson for the WPS Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, kabilang sa mga namonitor ang mga barko ng People’s Liberation Army Navy at China Coast Guard.
Sa kabuuan, 14 na barko ang namonitor sa Ayungin Shoal, 17 sa Bajo de Masinloc, pito sa Escoda Shoal at 16 sa Pag-asa Islands.
Patuloy ang tensyon sa WPS dahil sa malawak na pag-aangkin ng China sa karagatan, na may magkakapatong na territorial at maritime claims ng ilang bansa, kabilang ang Pilipinas.
Noong 2016, nagpasya ang arbitral tribunal sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea na walang legal na batayan sa naturang convention ang pag-aangkin ng China sa historic rights sa loob ng nine-dash line. Gayunman, hindi kinikilala ng Beijing ang naturang desisyon.










