Kinuwestiyon ni Leody De Guzman, chairman ng Bukluran ng mga Manggagawang Pilipino (BMP), ang panukalang ₱7.2 trilyong pambansang badyet para sa 2027, na aniya ay magdudulot ng mas malaking pangungutang sa gitna ng kakulangan sa kita ng pamahalaan.

Ayon kay De Guzman, sobra ng ₱2.2 trilyon ang panukalang badyet kumpara sa inaasahang kita ng bansa sa susunod na taon. Gayunman, sa halip na mapunta sa mga produktibong proyekto at serbisyong pampubliko, pinangangambahan niyang magamit ang malaking pondo para sa kapakinabangan ng mga kaalyado ng administrasyong naghahanda sa susunod na halalan.

Binanggit din niya ang malaking bahagi ng badyet na ilalaan sa pagbabayad ng utang ng bansa, na tinatayang aabot sa ₱1.6 trilyon. Kinuwestiyon din niya ang umano’y patuloy na mga insertion sa mga kuwestiyonableng proyekto, kabilang ang flood control.

--Ads--

Partikular na pinuna ni De Guzman ang pondong nakalaan sa Malacañang. Aniya, mula sa naunang ₱70 bilyong badyet ay nadagdagan pa ito ng ₱160 bilyon sa Kamara de Representantes, ngunit wala umano siyang nakikitang malinaw na detalye kung saan gagamitin ang karagdagang pondo.

Tinawag din niyang pangtrapo ang badyet ng mga ahensiyang may unprogrammed appropriations, na dati na umanong kinuwestiyon sa Korte Suprema.

Sa halip na ilaan sa mga kuwestiyonableng proyekto, iginiit ni De Guzman na dapat ilipat ang pondo sa sektor ng agrikultura upang mapalakas ang lokal na produksyon at mabawasan ang pag-asa ng bansa sa imported na produkto.

Ayon sa kaniya, umaabot na sa 4.5 milyong metriko tonelada ang inaangkat na produkto ng bansa, na aniya ay nakaaapekto sa lokal na agrikultura at ekonomiya. Dagdag pa niya, ang pag-angkat ng mga produktong kayang gawin sa Pilipinas ay nakababawas sa oportunidad ng mga manggagawang Pilipino sa sektor ng produksyon at isa rin sa mga salik na nagpapalala sa kakulangan sa badyet.

Umaasa naman si De Guzman na masusing susuriin at kukuwestiyunin ng mga senador ang mga insertion at diversion sa panukalang badyet na naaprubahan na sa Kamara. Binigyang-diin niyang mahalagang busisiin ang mga proyekto upang maiwasan ang paglalaan ng pondo sa mga kuwestiyonableng gawain.

Bilang halimbawa, binanggit niya ang naging isyu sa mga farm-to-market road na ang mga nakatalang coordinates ay nasa karagatan umano, na aniya ay nagpapakita ng kahalagahan ng masusing pagsusuri sa mga proyektong pinopondohan ng pamahalaan.

Giit pa ni De Guzman, sapat ang pondo ng bansa kung ilalaan ito sa mga programang tunay na makapagpapaunlad sa ekonomiya. Kabilang sa mga prayoridad na dapat palakasin ang edukasyon, agrikultura at iba pang produktibong sektor, sa halip na mga gastusing hindi direktang nakatutulong sa mamamayan, gaya ng intelligence funds ng pangulo.

Dagdag pa niya, dapat mas malaking pondo ang ilaan sa mga distritong higit na nangangailangan ng tulong at serbisyo ng pamahalaan, sa halip na sa mga distritong malapit sa mga namumuno sa bansa.