Dagupan City – Umaaray ang mga transport operator at driver sa Pangasinan sa muling pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo, kasabay ng panawagang suspindihin ang excise tax sa langis upang maibsan ang kanilang gastusin sa araw-araw na pamamasada.

Ayon kay Bernard Tuliao, presidente ng Alliance of Transport Operators and Drivers Organization Pangasinan, malaking dagok sa kanilang hanay ang dagdag na ₱1.20 kada litro ng diesel.

Dahil aniya, may mga pagkakataon ding ₱200 lamang ang naiuuwing kita ng mga driver, habang ang pinakamapalad ay umaabot sa ₱500.

Dagdag pa sa kanilang suliranin ang matinding init ng panahon at kakulangan ng mga pasahero, dahilan upang lalo pang bumaba ang kanilang kita. Dahil dito, nagsasagawa na umano sila ng rotation sa pamamasada upang mabawasan ang pagkalugi.

Samantala, umaasa si Tuliao na maipatupad ang service contracting program upang makatulong sa mga driver at operator.

Dito na rin niya ibinahagi na hindi rin umano madali para sa kanilang hanay na magsagawa ng transport strike dahil hati ang pananaw ng mga operator at driver, lalo na sa hanay ng mga consolidated jeepney.