Nakauwi na ng Pilipinas ang karagdagang 117 Overseas Filipino Workers (OFWs) galing Saudi Arabia kaugnay ng serye ng mga pag-atake sa nasabing bansa.

Ayon sa opisyal ng pahayag ng Department of Migrant Workers (DMW), nakarating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 ang mga OFWs nitong Linggo, Oktubre 25, sa ilalim ng pangangasiwa ng nasabing ahensiya, katuwang ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

“Ang pagpapauwi sa 117 OFWs ay bahagi ng Saving Lives component ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, Transport (UPLIFT) initiative ng pamahalaan, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.,” sulat ng ahensiya sa kanilang pahayag.

--Ads--

Dagdag pa nito, binigyan din ng tulong-medikal at pinansiyal ang mga repatriated Filipinos, kabilang ang kanilang mga pansamantalang panunuluyan at maging sa kanilang mga sasakyan pauwi sa kani-kanilang mga probinsya.

Sa kabuuan, umabot na sa 383 OFWs, kasama ang mga dependent nito, ang napauwi sa bansa mula Oktubre 19 hanggang Oktubre 25, ayon sa DMW at OWWA.

Samantala, inaasahan din ang pag-uwi ng panibagong 39 OFWs mula Saudi Arabia sa darating na Lunes ng gabi, Oktubre 26.