Nakahanda na ang Calasiao Police Station para sa inaasahang pagdagsa ng mga tao sa mga sementeryo ngayong Undas.

Kabilang sa kanilang paghahanda ang sapat na deployment ng mga pulis, katuwang ang iba pang ahensya at force multipliers, upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan ng mga dadalo.

Ayon kay PCAPT Julfre E. Ayson ng Calasiao PNP, limang sementeryo ang kanilang babantayan sa bayan, kabilang ang mga sementeryo sa Samingil area at People’s Cemetery.

Kaugnay nito, pinaalalahanan ni PCAPT Julfre E. Ayson ang mga Undas goers na maging maingat at mapagmasid habang nasa mga sementeryo, lalo na sa inaasahang pagdami ng mga tao.

Hinikayat din ang publiko na manatiling hydrated dahil sa inaasahang matinding init, at iwasang pumunta sa sementeryo nang nakainom.

Samantala, magkakaroon ng rerouting at pagsasara ng ilang bahagi ng kalsada sa araw mismo ng Undas, partikular sa Poblacion at Samingil area, upang magkaroon ng sapat na espasyo para sa mga dadalo sa mga sementeryo.

Patuloy rin ang regular na checkpoint ng pulisya bilang bahagi ng kanilang police intervention para sa pagpapanatili ng seguridad sa bayan ng Calasiao.