Nananatili sa White Alert Status ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ng Pangasinan habang naghahanda na sa inaasahang pagdagsa ng mga mamamayan sa lalawigan ngayong Undas. Inaasahang itataas sa Blue Alert Status ang kanilang kahandaan sa mga susunod na araw upang matiyak ang maagap na pagtugon sa mga posibleng insidente.

Ayon kay Vincent Chiu, Operations Supervisor ng PDRRMO Pangasinan, magsasagawa ang kanilang tanggapan ng Pre-Disaster Risk Assessment kasama ang mga konseho at disaster response clusters upang talakayin ang mga kinakailangang paghahanda. Gagamitin sa pagpupulong ang historical at kasalukuyang datos upang matukoy ang mga dapat pang isaayos at mapahusay sa kanilang operasyon para sa kaligtasan ng publiko.

Bukod sa mga sementeryo, inaasahan din ng PDRRMO ang pagdagsa ng mga bibisita sa mga ilog at dalampasigan upang maligo dahil sa mainit na panahon. Batay sa kanilang datos, may mga naitalang insidente ng near-drowning at pagkalunod, kaya pinaalalahanan ang publiko na mag-ingat at sumunod sa mga inilalabas na abiso ng mga lokal na pamahalaan at ng kanilang tanggapan.

--Ads--

Inaasahan din ang mabigat na daloy ng trapiko dahil sa dami ng mga uuwi sa kani-kanilang probinsya at bibisita sa mga sementeryo. Dahil dito, inihanda na ang kapulisan, mga volunteer group at emergency responder na magbabantay sa kondisyon ng trapiko at reresponde sakaling magkaroon ng aksidente sa kalsada.

Binigyang-diin ni Chiu na responsibilidad ng lahat ang pagpapanatili ng kaligtasan ngayong Undas. Hinimok niya ang publiko na makiisa sa mga hakbang ng pamahalaan, maging mapagmatyag at palaging unahin ang kaligtasan sa kanilang paglalakbay at pagbisita sa mga pampublikong lugar.