Patuloy na nagpapaalala ang pamunuan ng Pangasinan National High School (PNHS) sa mga mag-aaral na mag-ingat sa matinding init ng panahon bilang paghahanda sa posibleng epekto ng El Niño.

Ayon kay Mariela Calima, EdD, punong-guro ng PNHS, hinihikayat nila ang mga estudyante na magdala ng sariling maliit na electric fan at ekstrang damit upang magamit kapag labis na pinagpapawisan dahil sa init.

Bagama’t may mga silid-aralan na nilagyan ng hanggang walong electric fan upang makatulong na mapababa ang temperatura, aminado si Calima na nananatiling hamon para sa mga mag-aaral ang mainit na panahon. Mayroon ding air-conditioning unit na ipinagkaloob ni Education Secretary Sonny Angara na inilagay sa isang silid-aralan, ngunit hindi pa posibleng malagyan nito ang lahat ng classroom.

--Ads--

Tiniyak naman ng paaralan na may libreng maiinom na tubig ang mga mag-aaral sa pamamagitan ng dalawang water-refilling station sa loob ng campus. Pinapayuhan din ang mga ito na regular na uminom ng tubig upang maiwasan ang dehydration.

Sa kabila ng mainit na panahon, nagpapatuloy ang mga programa at gawain ng paaralan upang masuportahan ang pagkatuto ng mga estudyante. Kabilang dito ang paggamit ng Khan Academy, isang online learning platform na ginagamit ng mga guro sa pagtuturo, lalo na sa Mathematics at Science.

Patuloy rin ang pagdalo ng mga guro sa mga seminar at pagsasanay na iniaalok ng Schools Division Office upang higit pang mapahusay ang kanilang kakayahan sa pagtuturo.

Ayon sa pamunuan ng PNHS, mahalagang magtulungan ang mga guro, mag-aaral at iba pang kawani ng paaralan upang mapanatili ang maayos na serbisyo sa edukasyon habang patuloy na nag-iingat sa mga posibleng epekto ng matinding init.