Umaasa ang mga nagtitinda ng bulaklak sa Dagupan City na tataas ang kanilang benta habang papalapit ang Undas, bagama’t may ilan na nagsasabing matumal pa rin ang bentahan sa ngayon.
Ayon kay Joy Bernabe ng Irene Estrada Floral Design, mahigit dalawampung taon na silang nagbebenta ng mga bulaklak, ngunit mas mahina umano ang kanilang benta ngayon kumpara noong nakaraang taon.
Isa umano sa mga nakikitang dahilan nito ang mga naging epekto ng mga nagdaang bagyo, na nakaapekto sa suplay at kondisyon ng mga bulaklak.
Samantala, sinabi naman ni Crystal Soy, isang florist, na bagama’t bahagyang tumaas ang presyo ng ilang bulaklak dahil sa naging problema sa suplay, mayroon pa ring mga mamimiling maagang nagpapa-reserve para sa Undas.
Ayon naman kay Bernabe, hindi niya inaasahang mauubos ang kanilang mga bulaklak ngayong Undas dahil bukod sa maraming nagtitinda, mataas din umano ang presyo ng mga bulaklak.
Sa kabila nito, pinapayuhan ng mga florist ang mga mamimili na magpa-reserve na nang mas maaga upang makaiwas sa dagsa ng mga tao sa mismong araw ng Undas at masigurong nakalaan na ang kanilang mga order para sa pagdalaw sa mga sementeryo.
Ayon kay Crystal Soy, may mga mamimili nang maagang nagpapa-reserve ng kanilang mga bulaklak para sa Undas, habang inaasahan namang magpapatuloy ang bentahan habang papalapit ang araw ng paggunita.
Samantala, umaasa ang mga florist na magiging mas maayos ang bentahan sa mga susunod na araw at makatutulong ang pagdami ng mga bumibili ng bulaklak para sa Undas sa kanilang kabuhayan.









