Agad na nagpaabot ng pakikiramay at buong suporta ang Overseas Workers Welfare Administration Regional Welfare Office I (OWWA RWO I) at Department of Migrant Workers Regional Office I (DMW RO I) sa pamilya ng isang Overseas Filipino Worker (OFW) na nasawi kamakailan sa Saudi Arabia na tubong Pangasinan.
Ang nasabing OFW na residente ng Malasiqui dito sa lalawigan ay kasama ng isang nepali national na nasawi sa isang insidente noong Oktubre 21, 2026 sa Shaybah oilfield ng Saudi Aramco sa Saudi Arabia.
Ayon sa mga opisyal na ulat, na-intercept ng air defense system ng Saudi Arabia ang isang drone na nagtangkang tumama sa pasilidad ng nasabing oilfield, na nagdulot ng insidenteng pumatay sa Filipino worker.
Matapos matanggap ang balita hinggil sa trahedya, sunod-sunod na bumisita sa naulilang pamilya sa Malasiqui ang mga kinatawan ng OWWA RWO I noong Oktubre 22 at 24, habang nagtungo rin ang mga kinatawan ng DMW RO I noong Oktubre 23.
Sa mga pagbisitang ito, inalam ng mga ahensya ang mga agarang pangangailangan ng pamilya at ipinaliwanag ang mga kinakailangang proseso at dokumentasyon upang maging mabilis at maayos ang pagpapauwi sa Pilipinas (repatriation) ng mga labi ng OFW.
Tiniyak ng gobyerno ang pagbibigay ng kumpletong assistance at mga benepisyo sa naulilang pamilya.
Kabilang dito ang paggabay sa mga papeles at pag-alalay sa transportasyon para sa mabilis na pagpapauwi ng mga labi patungong Pangasinan.
Bukod dito, makatatanggap din ang pamilya ng Death and Burial Assistance para sa pagpapanaw at gastusin sa libing, pati na rin ang Education and Livelihood Assistance Program (ELAP) na magbibigay ng tulong-pinansyal sa pag-aaral ng mga naulilang anak at suporta sa pangkabuhayan ng pamilya.
Sa pamamagitan ng whole-of-government approach, nakiisa rin ang Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan, Pamahalaang Lokal ng Malasiqui, at ang lokal na Public Employment Service Office (PESO) / Migrant Desk upang siguraduhing makarating ang lahat ng kinakailangang suporta at serbisyo.
Nagtapos ang mga pagbisita sa isang panalangin para sa katatagan at paghilom ng naulilang pamilya, habang nanawagan din ang mga ahensya sa publiko na igalang ang kanilang privacy sa panahong ito ng pagdadalamhati.










