Dagupan City – Naglabas ang pamahalaang bayan ng Basista ng mga panuntunang ipatutupad sa lahat ng pampubliko at pribadong sementeryo at memorial park para matiyak ang kaligtasan, kaayusan, at mapayapang paggunita sa Undas 2026 sa Nobyembre 1 at 2.
Alinsunod sa inilabas na abiso, magbubukas ang mga sementeryo at memorial park mula alas-6 ng umaga hanggang alas-7 ng gabi sa dalawang araw.
Suspendido rin ang mga libing sa nasabing mga petsa.
Ipatutupad ang iisang pasukan at labasan sa bawat sementeryo, habang hinihikayat ang publiko na sumunod sa mga itinakdang health protocol at iba pang hakbang pangkaligtasan.
Mahigpit na ipinagbabawal ang pagdadala ng matutulis na bagay, baril at iba pang armas, inuming nakalalasing, pagsusugal, at paggamit ng karaoke, stereo o anumang aparatong nagdudulot ng malakas na ingay.
Hindi rin papayagan ang mga ambulant vendor na magtinda sa loob ng mga sementeryo at memorial park, ngunit maglalaan ng mga itinalagang lugar para sa kanilang pagtitinda.
Inaatasan din ang mga bisita na panatilihin ang kalinisan sa pamamagitan ng wastong pagtatapon ng basura at pagsunod sa prinsipyong Clean as You Go o Basura Ko, Linis Ko.
Ipinagbabawal ang pagpaparada ng anumang uri ng sasakyan malapit sa mga sementeryo, kaya pinapayuhan ang mga motorista na gamitin ang mga itinalagang paradahan upang maiwasan ang pagsisikip ng trapiko.
Bilang bahagi ng paghahanda, maglalagay ng mga medical tent sa mga pasukan ng mga sementeryo, kung saan nakahanda ang mga medical team, responder, at iba pang tauhan mula sa mga pambansa at lokal na ahensiya.
Hinihikayat ang lahat na makipagtulungan sa mga awtoridad at sumunod sa mga panuntunan upang matiyak ang ligtas, malinis, at maayos na paggunita sa Undas 2026 sa bayan ng Basista.










