na sahod, at seguridad sa trabaho sa harap ng inaasahang epekto ng Super El Niño.

Nagbabala si Achilles Montebon, tagapagsalita ng Laban Manggagawa, sa posibleng malawakang epekto ng Super El Niño sa kalusugan, kita, at pang-araw-araw na gastusin ng mga manggagawa, lalo na kung sasabayan ito ng kakulangan sa tubig at suplay ng kuryente, pagtaas ng presyo ng mga bilihin, at posibleng pagbabawas ng mga empleyado.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi ni Montebon na unti-unti nang nararamdaman ng mga manggagawa ang matinding init, na maaari pang lumala sa pagpasok ng Super El Niño. Aniya, hindi lamang kalusugan ang nakataya kundi pati ang kakayahan ng mga manggagawang tustusan ang pangangailangan ng kanilang pamilya.

Ayon kay Montebon, kabilang sa mga posibleng problemang kaharapin ng mga manggagawa ang heat exhaustion, heatstroke, mga sakit na may kaugnayan sa maruming tubig, at dengue. Maaari ring lumala ang kakulangan sa tubig dahil sa mababang antas ng tubig sa mga dam.

Bukod sa panganib sa kalusugan, inaasahan ding tataas ang gastusin ng mga pamilya dahil sa posibleng pagmahal ng pagkain, tubig, at kuryente. Aniya, maaari itong magdulot ng matinding stress at makaapekto rin sa mental health ng mga manggagawa.

Binigyang-diin niya na mas mabigat ang epekto nito sa mga manggagawang mababa ang sahod, dahil maaaring hindi na sapat ang kanilang kinikita para matugunan ang pang-araw-araw na pangangailangan.

Ipinaliwanag ni Montebon na maaaring may karapatan sa kompensasyon ang mga manggagawang nagkasakit o napinsala dahil sa kanilang trabaho, alinsunod sa umiiral na mga tuntunin sa Employees’ Compensation Program (ECP).

Aniya, maaaring dumaan sa Social Security System (SSS) ang mga kwalipikadong manggagawa sa pribadong sektor at sa Government Service Insurance System (GSIS) naman ang mga nasa pampublikong sektor, depende sa kanilang katayuan at pagiging kwalipikado.

Nanawagan din siya na tulungan ang mga manggagawa na maunawaan at maasikaso ang kanilang mga benepisyo, lalo na kung may kaugnayan sa trabaho ang kanilang pagkakasakit.