Maagang pinaghahandaan ng Lingayen Municipal Police Station ang seguridad at kaayusan para sa paggunita ng Undas 2026 sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan at iba pang ahensiya. Ayon kay PLtCol. Junmar C. Gonzales, Chief of Police ng PNP Lingayen, magsasagawa sila ng konsultatibong pagpupulong kasama ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), Municipal Information Office (MIO), Public Order and Safety Office (POSO), at Rural Health Unit (RHU) upang planuhin ang deployment ng mga tauhan at mga serbisyong ipagkakaloob sa publiko.
Kabilang sa mga pag-aaralang hakbang ang pagbibigay ng libreng sakay, pagpapatupad ng rerouting, at paglalagay ng mga tauhan sa mga sementeryo at iba pang matataong lugar. Pangunahing tututukan din ang mga terminal ng bus dahil sa inaasahang pagdagsa ng mga biyahero bago ang Undas, kaya hihiling ang himpilan sa provincial police office ng karagdagang pulis upang mapalakas ang pagbabantay at mapanatili ang maayos na daloy ng trapiko.
Noong nakaraang taon, nakatanggap ang himpilan ng tinatayang 10 hanggang 12 karagdagang pulis mula sa ibang himpilang hindi gaanong abala. Umaasa ang kapulisan na muling mabibigyan sila ng karagdagang tauhan ngayong taon upang matugunan ang pangangailangan sa seguridad, lalo na sa mga terminal at lugar na inaasahang dadagsain ng mga tao.
Mahigpit ding ipatutupad ang mga panuntunan sa loob ng mga sementeryo, kabilang ang pagbabawal sa pagdadala ng matutulis na bagay, inuming nakalalasing, at mga radyo o aparatong maaaring makagambala sa katahimikan ng paggunita. Magsasagawa rin ng information campaign sa social media at makikipag-ugnayan sa mga barangay at Public Information Office ng Lingayen Municipal Police Station upang ipaalam ang mga posibleng pagbabago sa trapiko at mga bagay na pinapayagan at ipinagbabawal sa mga sementeryo.
Bilang bahagi ng paghahanda, magtatalaga ng mga pulis sa mga sementeryo isang araw bago ang Undas upang matiyak ang kahandaan at mapanatili ang kaayusan. Layunin ng mga hakbang na ito na maprotektahan ang mga residente at bisita, maiwasan ang pagsisikip ng trapiko, at matiyak ang ligtas, tahimik, at mapayapang paggunita sa mga yumaong mahal sa buhay.










