Isang lalaki ang naaresto sa isinagawang anti-illegal drug buy-bust operation sa Barangay Nilumbot, Sta. Barbara, Pangasinan, nitong Oktubre 19.
Ayon sa pulisya, nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa umano’y isang indibidwal mula sa Mapandan na nagtutungo sa lugar upang magbenta ng ilegal na droga.
Matapos ma-validate ang impormasyon, isinagawa ng Sta. Barbara Police ang operasyon pasado alas-kuwatro y medya ng hapon na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek.
Nakuha umano mula sa suspek ang kabuuang 1.5 gramo ng hinihinalang shabu, kabilang ang ibinentang droga sa operasyon, at dalawa pang sachet.
Tinatayang nasa 10,200 pesos ang standard drug price ng nakumpiskang shabu.
Nananatili naman sa kustodiya ng Sta. Barbara Police ang naarestong lalaki habang inihahanda ang kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ayon sa pulisya, bagama’t drug-cleared ang bayan at ang 29 nitong barangay, patuloy pa rin ang kanilang monitoring at pag-aksyon sa mga natatanggap na impormasyon upang maiwasang muling lumala ang problema sa ilegal na droga sa mga komunidad.










