Nasawi ang isang paring Katoliko matapos mabagsakan ng malaking kahoy na krus na nahulog mula sa dingding ng simbahan habang nagdaraos ng misa sa Guayaquil, Ecuador, noong Sabado, Oktubre 17, 2026.
Kinilala ng Archdiocese of Guayaquil ang pari na si Father Patricio Alfredo Sánchez Molinari, na naglilingkod sa Church of Perpetual Relief of the Central Vicariate.
Batay sa mga ulat, nakuhanan ng livestream sa social media ang insidente kung saan makikitang nahulog ang mabigat na krus mula sa likod ng altar at tumama sa ulo ng pari habang isinasagawa ang misa.
Agad na humingi ng tulong ang mga taong naroroon sa simbahan. Narinig din sa livestream ang panawagang tumawag ng ambulansiya bago tuluyang maputol ang broadcast.
Sa pahayag ng arsobispado, nagpahayag ito ng pagluluksa at pakikiramay sa pamilya, mga kaibigan, at sa komunidad na pinaglilingkuran ng pari.
Sa ngayon, wala pang opisyal na paliwanag sa dahilan ng pagkahulog ng krus, habang wala ring inilalabas na pahayag ang mga lokal na awtoridad hinggil sa insidente.









