Dagupan City – Nagkaisa at nagkatipon-tipon sa isang prayer rally sa lungsod ng Urdaneta ang daan-daang residente at tagasuporta ng walong lokal na opisyal na pinatalsik sa pwesto ng Office of the Ombudsman upang ipahayag ang kanilang buong suporta.
Ginamit ng mga mamamayan ang nasabing pagtitipon upang idaan sa panalangin at ipakita ang kanilang matatag na paninindigan sa ilalim ng temang “Prayer Rally: Kayang-kaya! Kung Sama-sama,” kung saan nag-alay din sila ng mga kandila at panalangin para sa kapayapaan at hustisya sa pamahalaang lokal.
Nag-ugat kasi ang malaking kontrobersyang pampolitika sa lungsod sa isang 21-pahinang Consolidated Decision ng Office of the Ombudsman na pormal na inilabas noong Biyernes, Oktubre 16.
Batay sa opisyal na desisyon na may petsang Abril 15, 2026, napatunayang administratively liable sa kasong Grave Misconduct sina dating Mayor Julio Fernandez Parayno III at Vice Mayor Jimmy Dereje Parayno, habang napatunayan namang may pananagutan sa kasong Gross Neglect of Duty ang anim na konsehal na sina Franco Paolo San Juan Del Prado Sr., Warren Dela Cruz Andrada, Aurelio L. Agsalud Sr., Franklin V. Villanueva, Jhan Hero M. Sumera, at Alfonso Miguel M. Del Prado.
Bukod sa agarang pagkakatanggal sa serbisyo, mabibigat na karagdagang parusa o accessory penalties ang ipinataw ng Ombudsman laban sa mga ito.
Kabilang dito ang habambuhay na diskwalipikasyon sa paghawak ng anumang posisyon sa pamahalaan, kanselasyon ng kanilang civil service eligibility, pagbabawal sa pagkuha ng Civil Service Examination, at ang tuluyang pagkawala ng lahat ng kanilang karapatan sa mga retirement benefits mula sa gobyerno.
Ang naturang kaso ay nagsimula sa umano’y tahasang hindi pagsunod ng mga dating pinuno sa naunang 12-buwang Notice of Suspension dahil sa kaso ni Brian Perez ang Dating liga ng Barangay na di umano tinaggal sa pwesto bilang ex oficio members ng Sangguniang Panlungsod na inilabas ng Office of the President at nilagdaan ni dating Executive Secretary Lucas Bersamin.
Idinagdag pa sa reklamo ang ginawa umanong pagharang ng mga dating opisyal sa pag-upo ng mga itinalagang pansamantalang namuno noong Enero 2025 habang isinasailalim sa preventive suspension ang mga pangunahing pinuno ng lungsod.
Kasunod ng mabilis na pagpapatupad ng kautusan ng Ombudsman upang maiwasan ang pagkaantala sa pamumuno at trabaho sa gobyerno, opisyal nang nanumpa at umupo noong Biyernes sa kanilang mga bagong tungkulin sina Blesildo Sumera bilang bagong Alkalde at Rio Virgilio Esteves bilang bagong Bise Alkalde ng Urdaneta City.
Sa kasalukuyan, nananatili namang bakante ang anim na upuan sa Sangguniang Panlungsod habang hinihintay ang opisyal na proseso at alituntunin mula sa Department of the Interior and Local Government (DILG) para sa tamang pagpuno sa mga ito.
Bagamat bukas pa ang pinto para sa mga legal na hakbang o motion for reconsideration na maaaring ihain ng mga pinatalsik na opisyal sa mataas na hukuman, nananatili namang tahimik ang kanilang kampo at wala pang inilalabas na opisyal na pahayag hinggil sa kanilang susunod na aksyon.










