Mahalagang matukoy kung sino ang may titulo ng lupa upang malinaw na malaman ang sukat at hangganan nito, lalo na sa mga alitang may kaugnayan sa bakod ng magkapitbahay.
Ayon kay Councilor at Atty. Joey Tamayo, isang legal expert, maaaring makipag-usap sa kapitbahay na lumampas ang bakod sa hangganan ng kanilang lupa upang hilinging alisin ito o kaya naman ay bilhin ang bahaging nasakop.
Paliwanag ni Tamayo, mahalaga rin ang Tax Declaration at titulo ng lupa bilang mga dokumentong makatutulong sa pagtukoy ng sukat at hangganan nito. Gayunman, maaari ring kailanganin ang aktuwal na land survey na isasagawa ng kuwalipikadong surveyor upang matiyak ang eksaktong saklaw ng ari-arian.
Kung hindi pa naisasampa sa korte ang usapin, maaari itong subukang resolbahin sa pamamagitan ng maayos na pag-uusap, sa tulong ng mga inhinyero at barangay. Maaari ring humingi ng tulong sa abogado upang malaman ang nararapat na hakbang.
Dagdag pa ni Tamayo, karaniwan ang mga alitan sa lupa kaya mahalagang unahing maresolba ang mga ito sa maayos na paraan. Kung hindi magkasundo ang mga panig, maaari itong idaan sa barangay kung naaangkop, bago umabot sa hukuman.










