Natagpuan ang isang naaagnas na bangkay ng lalaki sa gitna ng palayan sa sitio 40, Barangay Diaz sa bayan ng Bautista, dito sa lalawigan ng Pangasinan.
Ayon kay PCapt. Jerwin Cabreros, officer-in-charge ng Bautista Municipal Police Station, nakatanggap sila ng tawag mula sa isang barangay official hinggil sa natagpuang bangkay. Isang harvester operator umano ang nakakita rito habang nag-aani ng palay sa lugar.
Sa ngayon, hindi pa rin nakikilala ang biktima. Kamakailan, isang pamilya mula sa Tarlac ang nagtungo sa himpilan ng pulisya upang alamin kung ang bangkay ay ang kanilang kaanak na kabilang sa hinahanap pang biktima na iniulat na nahulog sa Agana Bridge.
Dahil sa naagnas na ang bangkay, ay hindi na ito makilala kaya naman, sinamahan ng mga pulis ang pamilya sa forensic unit upang sumailalim sa DNA examination at comparison. Tinatayang aabot sa 30 araw bago makuha ang resulta ng pagsusuri.
Ayon kay Cabreros, isa sa mga tinitingnang posibilidad ng mga awtoridad ay naanod lamang ang bangkay patungo sa lugar noong kasagsagan ng bagyo. Aniya, mataas ang tubig sa lugar noong panahong iyon dahil sa pag-apaw ng tubig mula sa Camiling River.
Gayunman, hindi pa rin isinasantabi ng pulisya ang posibilidad na pinatay ang biktima at sadyang itinapon sa naturang lugar. Patuloy ang kanilang imbestigasyon upang matukoy ang tunay na sanhi ng pagkamatay nito.
Sa kabila nito, naniniwala ang pulisya na posibleng naanod lamang ang bangkay, dahil wala silang natatanggap na ulat hinggil sa nawawalang tao o insidente ng pagpatay sa kanilang nasasakupan na maaaring maiugnay sa kaso.
Inilarawan ni Cabreros ang lugar na tinatayang tatlong kilometro ang layo mula sa mga kabahayan.
Dinala na ang bangkay sa isang morgue sa bayan ng Bayambang. Gayunman, pansamantala muna itong inilagak sa sementeryo. Maaari pa rin itong kunin ng pamilya ng biktima kapag nakumpirma sa pamamagitan ng DNA examination na ito ay kanilang kaanak.
Dahil dito, nanawagan si Cabreros sa publiko, partikular sa mga pamilyang may nawawalang kaanak, na magtungo sa Bautista Municipal Police Station upang samahan sila sa forensic unit para sa pagsasagawa ng DNA sampling at comparison.










