Dagupan City – Nabiyayaan ng tig-₱20,000 scholarship assistance ang 130 graduating college students sa bayan ng Manaoag sa ilalim ng programang “Bawat Bayan Makikinabang” ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Ang nasabing ayuda ay naglalayong magbigay ng dagdag-suporta at tulong-pinansyal para sa mga gastusin ng mga estudyanteng nasa huling yugto na ng kanilang pag-aaral.

Napabilang sa programa ang limang estudyante mula sa bawat barangay ng bayan.

--Ads--

Inaasahang malaki ang maitutulong ng natanggap na cash assistance sa pagtugon sa mga gastusin para sa internship, thesis, at iba pang kinakailangang akademikong usapin bago sila pormal na makapagtapos.

Sa kanyang mensahe, hinikayat ni Mayor Jeremy Agerico “Doc Ming” B. Rosario ang mga benepisyaryo na pagbutihin pa ang kanilang pag-aaral, gamitin sa makabuluhang paraan ang natanggap na tulong, at sikaping makapagtapos upang maabot ang kanilang mga pangarap.

Bukod sa pambansang programang ito, patuloy ding ipinagkakaloob ng Lokal na Pamahalaan ng Manaoag sa ilalim ng administrasyon ni Mayor Rosario ang sarili nitong One Manaoag College Financial Assistance Grant na kasalukuyang nakapagbibigay ng tulong-pinansyal sa mahigit 400 kabataang Manaoagueño.

Sa pamamagitan ng mga inisyatibong ito, mas nadaragdagan ang oportunidad para sa mga kabataan na maipagpatuloy ang kanilang edukasyon at malampasan ang mga hamong pinansyal patungo sa kanilang pagtatapos.