Dagupan City – Nagsagawa ng isang pagsasanay para sa mga Barangay Health Worker (BHW) ang Municipal Health Office (MHO) ng Sison na nakatutok sa Mental Health Awareness and Support.

Layunin ng pagsasanay na maipaintindi at mapalawak ang kaalaman ng mga BHW ukol sa kalusugan ng isip, matukoy ang mga maagang palatandaan ng suliraning pangkaisipan, at makapagbigay ng paunang suporta at tamang paggabay sa mga nangangailangan sa bawat barangay.

Binigyang-diin sa pagpupulong na mahalaga ang papel ng mga BHW bilang mga pangunahing katuwang sa komunidad upang mahikayat ang mga mamamayan na huwag matakot humingi ng tulong at makakuha ng nararapat na serbisyong pangkaisipan.

Sa pamamagitan ng patuloy na sama-samang pagkilos at edukasyon, layon ng lokal na pamahalaan na bumuo ng isang komunidad na may malalim na pag-unawa, malasakit, at aktibong suporta para sa mental health ng bawat mamamayan.