Patuloy ang inspeksiyon ng National Food Authority (NFA) sa mga bodega sa Pangasinan upang matiyak na handa ang mga ito sa pagbili at pag-iimbak ng mga aanihing palay ngayong kasagsagan ng pangunahing panahon ng pag-aani o main harvest season.
Ayon kay Frederick B. Dulay, branch manager ng NFA Pangasinan Branch Office, marami nang bayan sa lalawigan ang nagsimulang mag-ani ng palay kaya sinusuri na ng ahensiya ang kahandaan ng mga bodega na tumanggap at bumili ng ani mula sa mga magsasaka.
Kabilang sa mga lugar na may magandang ani ng palay ang Alaminos City at Mangatarem. Aktibo rin ang mga buying station sa Alaminos, Mangatarem, Rosales at Binalonan upang mapadali ang pagbili ng palay mula sa mga lokal na magsasaka.
Bukod sa inspeksiyon sa mga bodega, patuloy ding minomonitor ng NFA ang paggalaw ng presyo ng palay sa merkado, partikular ang mga presyong iniaalok ng mga pribadong negosyante.
Nasa ₱27 kada kilo ang presyo ng malinis at tuyong palay (clean and dry). Gayunman, posibleng magbago o bumaba ang presyo depende sa moisture content at DND ng palay.
Samantala, inaasahang magpapatuloy ang milling operations sa susunod na linggo, kasabay ng inaasahang pagbibigay ng go signal sa mga milling contractor upang simulan ang paggiling ng palay.
Sa usapin naman ng suplay ng bigas, tinatayang aabot pa sa 11 araw ang buffer stock na kasalukuyang nakaimbak sa mga bodega ng NFA.
Nilinaw na hindi nangangahulugang agad na mauubos ang mga stock sa loob ng nasabing panahon. Ang pagtataya ay nakabatay sa paggalaw at paglalabas ng mga nakaimbak na suplay.
Ayon sa NFA, ang pagdi-disperse ng mga stock ay bahagi ng operasyon upang magkaroon ng puwang para sa pagbili ng panibagong suplay ng palay mula sa mga magsasaka, lalo na ngayong panahon ng anihan.
Layunin ng patuloy na inspeksiyon at pagbili ng palay na matiyak ang kahandaan ng mga bodega, masuportahan ang mga lokal na magsasaka at mapanatili ang sapat na suplay sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na operasyon ng ahensiya.









