Pinag-iingat ni Christopher Aldo Sibayan, pangulo ng Samahang Magbabangus sa Pangasinan (SAMAPA), ang mga magbabangus sa posibleng epekto ng patuloy na pag-init ng panahon sa kanilang mga alagang bangus.

Ayon kay Sibayan, nakatanggap siya ng ulat na nagkaroon ng tangok sa mga nakalipas na araw. Umabot na rin umano sa 45 araw ang pagbabawas ng alaga ng mga miyembro ng SAMAPA, habang ang ilan sa kanila ay nagsagawa na ng force harvest upang maiwasan ang mas malaking pagkalugi.

Ipinaliwanag ni Sibayan na maraming salik ang kailangang isaalang-alang bago magpasya kung kailangang anihin nang mas maaga ang mga alagang bangus. Kabilang dito ang epekto ng pagbabago ng panahon sa lugar, tamang stocking density, at kakayahan ng mga isda na makayanan ang tumataas na temperatura. Kung hindi na angkop ang kondisyon ng palaisdaan para sa mga alaga, mas makabubuting anihin na ang mga ito kaysa malugi.

--Ads--

Hinimok din niya ang mga magbabangus na maging mapagmatyag at maagang maghanda dahil hindi pa umano nararating ang pinakamataas na antas ng init na maaaring maranasan ngayong panahon. Patuloy naman ang pakikipag-ugnayan ng SAMAPA sa pamahalaan upang makahingi ng karagdagang kagamitan, gaya ng aerators, na makatutulong sa pagpapanatili ng sapat na oxygen sa tubig at pagbawas sa panganib sa palaisdaan.

Binigyang-diin ni Sibayan ang pangangailangang baguhin ang paraan ng paghahanda ng mga food producer. Aniya, hindi dapat puro pagtugon lamang kapag may problema na; mahalaga ang maagang pagpaplano upang maprotektahan ang kabuhayan ng mga magbabangus at matiyak ang tuloy-tuloy na suplay ng pagkain. Ipinahayag din niya ang pangamba sa posibleng kakulangan sa suplay ng isda kung magpapatuloy ang mga suliraning dulot ng matinding init.