Malaki ang epekto ng pagbabago ng temperatura ng tubig sa pangingitlog at produksyon ng bangus sa bansa lalo na ngayong “ber” months at sa gitna ng banta ng El Niño.
Ayon kay Dr. Westly Rosario, dating Direktor ng National Integrated Fisheries Technology Development Center (NIFTDC-BFAR), tuwing taglamig mula Oktubre hanggang Pebrero, humihinto sa pag-itlog at pag-breed ang mga bangus dahil sa pagbagsak ng temperatura ng tubig nang mababa sa 28 degrees centigrade malayo sa ideal temperature na 30 degrees centigrade.
Dahil dito, napipilitan ang Pilipinas na mag-import ng higit 60 porsyento ng similya ng bangus mula sa Indonesia kung saan nananatiling mainit ang klima.
Samantala, ipinaliwanag din ni Dr. Rosario na bagamat ang tag-araw at banta ng El Niño ay nagdudulot ng mainit na tubig na nakakatulong sa pangingitlog at pagpapataas ng metabolism ng isda, nagdadala rin ito ng matinding banta.
Kapag labis ang init at bumaba ang antas ng dissolved oxygen sa mga palaisdaan, maaari itong magbunga ng fish kill at matinding pagkalugi.
Dahil sa dalawang magkasalungat na hamong ito sa klima, nanawagan si Dr. Rosario sa pamahalaan at private sector na maglagay ng mga industrial heater sa mga lokal na hatchery upang mapanatili ang produksyon kahit “ber” months.
Pinayuhan din niya ang mga nag-aalaga ng isda na iakma ang oras ng pagpapakain kapag malamig ang panahonmula sa dating alas-7 ng umaga ay gawin itong alas-9 o alas-10 ng umaga kung kailan mas mataas na ang sikat ng araw at huwag pilitin ang mga isda kung ayaw ng mga itong kumain.
Samantala, inaasahang ilalapag ang mga usaping ito sa gaganaping National Bangus Congress ngayong linggo sa Clark, Pampanga kung saan dadaluhan ito ni Dr. Rosario kasama ang iba’t ibang samahan at private sector mula sa Pangasinan at iba pang bahagi ng bansa.
Hinimok ni Rosario ang mga namumuno sa sektor ng aquaculture na isulong ang pagkakaroon ng scientific profiling sa mga breeder at malalimang pag-aaral sa tunay na sitwasyon ng mga ilog at palaisdaan upang magkaroon ng pangmatagalang solusyon at maiwasan ang pagkalugi ng mga mangingisda at mamumuhunan.










