Nagpalabas ng babala at patuloy na paalala si Manaoag Mayor Jeremy “Doc Ming” Rosario sa mga residente at deboto kasunod ng nararanasang mainit na panahon dulot ng pagsisimula ng El Niño.
Ayon sa alkalde, bagamat batay sa datos ng DOST-PAGASA ay hindi direktang tumatama ang sentro ng tinatawag na Super El Niño Phenomenon sa Pangasinan at mas nakatutok ito sa Central Luzon at Central Philippines, nararamdaman pa rin nang husto ang maalinsangang panahon.
Dahil dito, nakataas na ang alerto ng Rural Health Unit sa ilalim ng pamumuno ni Dr. Nicola Malco upang patuloy na maglabas ng mga advisories at bantayan ang sitwasyon lalo na sa kalusugan ng kanilang nasasakupan.
Ibinahagi rin ni Rosario na dumami ang natamaan ng altapresyon at pagkahilo lalo na noong nakalipas na dagsa ng tao sa bayan dahil sa Feast day ng Our Lady of Manaoag.
Sa katunayan, umabot sa 204 na kaso ng pagkahimatay at pagtaas ng presyon ng dugo ang naitala ng mga awtoridad dahil sa pambihirang init.
Upang matugunan ang mga ganitong emergency, nagpapatrolya ang mga opisyal at naglagay na ng mga first aid station sa loob at paligid ng simbahan tuwing Sabado at Linggo kung kailan pinakamarami ang mga bisita at pilgrims.
Bukod sa mga unang hakbang na ito, nakatakda rin magtatag ng isang Task Force El Niño ang pamahalaang lokal sa pakikipagpulong sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office at sa pakikipag-ugnayan sa Provincial DRRMO.
Layunin nito na paghandaan ang inaasahang patuloy na pag-init ng panahon na maaaring tumagal hanggang sa susunod na taon.
Hinimok din ni Mayor Rosario ang publiko, lalo na ang mga senior citizen at mga bata na kabilang sa vulnerable sector, na iwasang lumabas ng bahay mula alas-10 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon kung hindi rin lang mahalaga ang lakad.
Pinapaalalahanan din ang lahat na palaging magdala ng payong, malamig na tubig at mag-hydrate nang husto upang makaiwas sa heat stroke at dehydration habang nagpapatuloy ang tag-init.










