Dagupan City – Nauunawaan umano ni Atty. Joseph Emmanuel Cera, isang legal at constitutional law expert, ang naging paninindigan at tapang ni Reina Mercedes, Isabela Vice Mayor Jeryll Harold Respicio sa pagkwestyon sa umano’y mga anomalya sa paggamit ng pondo ng tobacco excise tax.
Ayon kay Cera, may mga pagkakataong nagiging mainit ang mga talakayan sa mga sesyon ng konseho at hindi na rin umano bago ang pagkakaroon ng sigawan o komprontasyon. Gayunman, aniya, may mga alituntunin sa parliamentary proceedings na dapat sinusunod at maaaring ihayag ang pagtutol o pagkukuwestyon sa maayos na paraan.
Naganap ang insidente habang tinatalakay ng Sangguniang Bayan ang mga proyektong pinondohan, sa bahagi, ng tobacco excise tax.
Nauwi ito sa mainitang argumento sa pagitan ni Respicio at ilang opisyal ng barangay, na kalaunan ay nangangailangan ng pag-intervene ng mga pulis. Nai-livestream din ang insidente at mabilis na kumalat sa social media.
Samantala, matapos manawagan si Interior Secretary Jonvic Remulla na sumailalim sa drug test si Respicio dahil sa kanyang naging asal sa insidente, agad itong nagpa-drug test sa St. Luke’s Medical Center–Quezon City. Lumabas na negatibo siya sa illegal drugs.
Para kay Cera, maituturing na matapang ang naging hakbang ni Respicio, lalo’t papalapit na ang 2028 elections, ngunit nananatiling mahalaga aniya na maayos at naaayon sa mga patakaran ang paraan ng pagkukuwestyon ng isang halal na opisyal sa mga usapin ng pamahalaan.










