Dagupan City – Ipinagdiriwang ang National Family Week sa Lingayen, Pangasinan, kasabay ng mga aktibidad na naglalayong pagsama-samahin ang mga pamilya at palakasin ang kanilang ugnayan.
Kabilang sa mga nakikiisa sa pagdiriwang ang The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, na nagsasagawa rin ng mga aktibidad para sa mga pamilya.
Ayon kay Meller Runi Antonio, Lingayen State President ng The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, hindi lamang sa kanilang simbahan ipinagdiriwang ang Family Week kundi maging sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Sa kanilang mga aktibidad, hinihikayat ang mga pamilya, kaibigan at magkakamag-anak na magsama-sama at ibahagi ang kanilang mga talento at kakayahan, bilang pagpapakita ng pagmamahalan, pagkakaisa at paggalang sa isa’t isa.
Samantala, binigyang-diin din ni Antonio ang kahalagahan ng pagpapatibay sa samahan ng pamilya sa pamamagitan ng mga pagpapahalagang kanilang pinaniniwalaan.
Patuloy namang hinihikayat ang mga pamilya na maglaan ng oras para sa isa’t isa at palakasin ang kanilang samahan, hindi lamang sa panahon ng National Family Week kundi sa araw-araw.










