Patuloy na nananawagan ang Federation of Free Workers o FFW ng dagdag na sahod para sa mga manggagawa, hindi lamang sa National Capital Region kundi maging sa mga probinsya, kasunod ng pagpapatupad ng dagdag-singil sa pamasahe.
Ayon kay Julius Cainglet, Vice President ng FFW, kinikilala ng kanilang grupo ang pag-apruba sa P60 dagdag sa arawang sahod sa National Capital Region sa ilalim ng Wage Order No. 28, matapos ang matagal na paghihintay.
Gayunman, sinabi ni Cainglet na ang kanilang isinusulong ay ang orihinal na Wage Order No. 27, kung saan dumaan umano sa serye ng pagdinig, pagpapaliwanag sa wage board at pakikipag-usap sa mga employer.
Aniya, handa naman silang tanggapin ang P85 dagdag sa arawang sahod, na ayon sa kanilang panawagan ay dapat sana ay naipatupad noong Hulyo.
Bukod dito, nais ng FFW na maging nationalized ang minimum wage upang magkaroon ng iisang batayan sa pagtatakda ng minimum na sahod at maiwasan, ayon sa grupo, ang hindi pagkakapantay-pantay sa sahod ng mga manggagawa sa iba’t ibang rehiyon.
Samantala, nauunawaan naman ng FFW ang pangangailangan ng mga driver na magkaroon ng dagdag-pasahe dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at produktong petrolyo.
Ayon kay Cainglet, kabilang ang mga driver sa mga unang naaapektuhan sa tuwing tumataas ang presyo ng langis. Matagal din umano silang naghintay bago napagbigyan ang kanilang kahilingan para sa dagdag-pasahe.
Gayunman, sinabi rin niya na malaki rin ang epekto ng taas-pasahe sa mga manggagawa, partikular sa mga gumagamit ng ordinaryong jeepney at kinakailangang ilang beses sumakay bago makarating sa kanilang destinasyon.
Giit ni Cainglet, hindi na sana umabot sa pagtataas ng pamasahe kung makokontrol lamang ang presyo ng langis.
Muli rin siyang nanawagan sa pamahalaan na alisin ang excise tax at repasuhin ang expanded value-added tax o E-VAT, na aniya ay makatutulong upang mapagaan ang gastos ng mga manggagawa at iba pang sektor.
Dagdag pa niya, isinusulong din ng kanilang grupo ang mas mataas na income tax exemption, hindi lamang para sa minimum wage earners kundi maging sa mga kumikita ng hanggang P300,000 kada taon.
Samantala, ikinababahala rin ni Cainglet ang muling pagsisimula ng four-day workweek, dahil maaari umanong lumiit ang kita ng mga manggagawa.
Ayon sa FFW, kailangang matugunan hindi lamang ang pangangailangan ng mga driver kundi maging ang epekto ng tumataas na gastusin sa pamumuhay sa mga manggagawa.










