Dagupan City – Puno ng kagalakan at pasasalamat ang pagbabalik ng Overseas Filipino Worker na si Mary Jane Veloso sa kaniyang pamilya sa lalawigan ng Nueva Ecija matapos siyang igawad ng absolute pardon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa isang eksklusibong panayam, ibinahagi ni Veloso ang kaniyang labis na kagalakan sa muling pagkakapiling ng kaniyang pamilya at ang simula ng kaniyang bagong buhay matapos ang higit isang dekadang pagsubok.
Ibinahagi ni Veloso na noong una niyang marinig ang balita mula sa kaniyang mga kasama sa Correctional Institution for Women na pinirmahan na ng Pangulo ang kaniyang pardon, hindi siya agad naniwala dahil sa takot na ma-disappoint muli.
Inamin niyang saka lamang tunay na tumatak sa kaniyang isip ang natamong kalayaan nang makatapak na siya sa kanilang mismong tahanan sa Nueva Ecija.
Sinabi pa niyang kinurot pa niya ang kaniyang sarili upang masigurong hindi siya nanaginip lamang.
Masayang-masaya rin siya dahil ngayon lamang niya nakita ang kaniyang bagong tahanan, lalo na’t wala silang sariling bahay noong araw.
Inalala din ni Veloso ang naging karanasan niya simula noong taong 2010 nang lumipad siya patungong Indonesia sa edad na 25 sa hangaring mabigyan ng maayos na buhay at tahanan ang kaniyang pamilya.
Inilarawan niya ang kaniyang pinagdaanan na tila isang roller coaster na punung-puno ng matinding pagsubok sa pisikal at emosyonal na aspekto, lalo na nang mapatawan siya ng hatol na bitay matapos masangkot sa usaping ilegal na droga.
Dumating din sa puntong nawalan siya ng pag-asa at nagalit sa Diyos, ngunit sa kabila ng lahat ay muli siyang nabuhayan ng loob dahil sa pananampalataya at sa patuloy na suporta ng kaniyang mga magulang.
Ibinahagi rin niya ang kritikal na sandali noong taong 2015 nang natitira na lamang ang dalawampung minuto bago ang nakatakdang pagbitay sa kaniya sa pamamagitan ng firing squad.
Sa mga sandaling iyon, buong puso siyang nanalangin sa Panginoon na patunayan sa buong mundo ang kaniyang kawalang-kasalanan at iligtas ang kaniyang buhay—isang panalangin na agad namang dininig at ipinagkaloob sa kaniya.
Samantala, ngayong nakabalik na ito sa kanyang pamilya na malaya at malinis na ang kaniyang pangalan dahil sa ipinagkaloob na absolute pardon, itutuon na lamang daw ni Veloso ang kaniyang panahon sa pag-aalaga sa kaniyang matatandang magulang at sa paggabay sa kaniyang mga lumalaking anak.
Binigyang-diin niya na kailanman ay hindi niya hinangad ang maging mayaman, kundi ang makasama lamang ang kaniyang pamilya, maalagaan ang kaniyang mga magulang, at malinis ang kaniyang pangalan—mga bagay na natupad sa tulong ng Pangulo at ng Maykapal.
Sa kasalukuyan, nararanasan na umano niya ang payapang kalooban kasama ang kaniyang pamilya.
Sa usaping pampinansyal naman, buo ang kaniyang tiwala na hindi siya iiwan ng Diyos at may nakalaang magandang plano para sa kaniyang hinaharap.
Bukod dito, kung may pagkakataon aniya na makapag-abroad muli siya ay hindi na nito tatanggapin dahil mas bibigyan na lamang nito ng pansin ang pamamalagi sa Pilipinas para gugulin ang oras sa pamilya.










