Ibinahagi ng 66-anyos na si Renato Español y Vidal, residente ng Barangay Pantal Guibang, Dagupan City, ang kaniyang pinagdaanan matapos ang mahigit dalawang dekada na buhay sa loob ng piitan.

Ayon kay Vidal, marami siyang hindi magandang karanasan habang nakakulong, kabilang na ang pagkakataong sinuntok umano siya ng kapwa preso.

Gayunman, pinili niyang huwag gumanti dahil naniniwala siyang hindi iyon ang tamang gawin.

--Ads--

Nagbago umano ang takbo ng kaniyang buhay nang makilala niya ang mga mananampalatayang nagsasagawa ng Bible school at mga seminar sa loob ng piitan.

Dahil dito, naging aktibo siya sa pagdalo sa mga programa at unti-unting nagkaroon ng panibagong pag-asa na muling makakasama ang kaniyang pamilya.

Bagama’t nakakulong nang mahabang panahon, nagpapasalamat si Vidal sa walang-sawang pagmamahal at patuloy na pagdalaw ng kaniyang asawa sa piitan.

Patuloy din umano siyang umaasa na darating ang pagkakataong muli silang magsasama at mababawi ang mga panahong nawala sa kanilang pamilya.

Gayundin, ipinagpapasalamat niya ang kaniyang mga anak na, sa kabila ng matagal niyang pagkawala sa kanilang buhay, ay lumaki at namuhay nang maayos.

Bagama’t hindi na niya naabutan ang isa sa kaniyang mga kapatid, masaya naman siyang makita na mayroon na siyang mga manugang at apo.

Bagama’t umabot ng ilang dekada ang kaniyang pagkakakulong, sinabi ni Vidal na wala siyang pinagsisisihan dahil dito niya umano natagpuan ang pag-asa at tuluyang tinalikuran ang dati niyang bisyo sa pag-inom at paninigarilyo.

Noong Mayo ngayong taon nang tuluyan siyang makalaya at sinalubong nang buong pagmamahal ng kaniyang pamilya.

Mula sa dating nalulong sa alak, aktibo na ngayon si Vidal sa paglahok sa Bible school.

Aniya, na-inspire siya sa kwento ni Mary Jane Veloso kaya nagkaroon siya ng lakas ng loob na ibahagi sa publiko ang kaniyang karanasan upang magsilbing inspirasyon at pag-asa sa mga taong dumaraan din sa katulad na sitwasyon.