Dagupan City – Arestado ang dalawang hinihinalang sangkot sa ilegal na droga matapos ang ikinasang buy-bust operation ng Dagupan City Police Office sa Barangay Mayombo, Dagupan City, madaling-araw nitong Setyembre 24, 2026.
Isinagawa ang operasyon dakong alas-5:25 ng umaga ng mga tauhan ng Police Station 2, City Police Drug Enforcement Unit o CPDEU, at City Intelligence Unit o CIU, sa koordinasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency Regional Office 1 o PDEA-RO1.
Naaresto ang isang 28-anyos na lalaki na nagtitinda ng niyog at residente ng San Jacinto, Pangasinan, at isang 26-anyos na babae na tubong Davao City at residente naman ng Lingayen, Pangasinan.
Narekober mula sa dalawang suspek ang dalawang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may tinatayang bigat na anim na gramo at tinatayang Standard Drug Price na 40,800 piso.
Nakumpiska rin ang isang motorsiklo, isang cellular phone, at marked at boodle money na ginamit sa isinagawang transaksyon.
Dinala ang mga naaresto at mga nakumpiskang ebidensya sa Police Station 2 sa Barangay Mayombo para sa dokumentasyon at kaukulang disposisyon.
Inihahanda na ang mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 na isasampa sa korte, habang kasalukuyang nakapiit ang dalawang suspek sa DCPO Custodial Facility sa ABF West, Barangay Poblacion Oeste, Dagupan City.










