Hindi maitago ng pamilya ni Mary Jane Veloso ang kanilang saya matapos nilang makatanggap ng balita kaugnay sa nilagdaang hakbang ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na inaasahang magbibigay-daan sa paglaya ng kanilang kaanak.
Ayon kay Lea Ordonez, kaanak ni Veloso, labis ang kanilang tuwa nang makatanggap sila ng balita na makakauwi na ang kanilang kapamilya.
Aniya, abala na sana siya sa paghahanda upang bumiyahe nang matanggap nila ang tawag na nagsasabing may mahalagang balita tungkol kay Veloso.
Dahil dito, agad umano silang nagpunta sa kanilang pamilya at hindi napigilan ang kanilang emosyon.
Ayon kay Ordonez, mula umano sa kanilang mga abogado nanggaling ang impormasyong natanggap ng pamilya.
Sinabi niyang may tumawag umano sa kanyang kapatid at doon nila unang nalaman ang balita.
Gayunman, aminado si Ordonez na hindi pa niya batid ang lahat ng detalye hinggil sa naging desisyon o proseso.
Agad ding naghanda si Ordonez upang bumiyahe patungong Nueva Ecija upang makasama ang pamilya at alamin ang pinakahuling impormasyon.
Aniya, kasama niya ang kanyang asawa sa pagpunta sa Nueva Ecija.










