Dagupan City – Mahigit 600 pamilya sa Barangay Pita at Barangay Babuyan sa Infanta, Pangasinan ang nakatanggap ng relief assistance matapos maapektuhan ng habagat at magkakasunod na bagyo.
Pinangunahan ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office o PDRRMO ang relief operation at pamamahagi ng Family Food Packs sa mga residenteng nangangailangan ng tulong. Personal namang naghatid ng ayuda si Atty. Ronn Dale B. Castillo, Executive Assistant III at kinatawan ni Governor Ramon V. Guico III.
Kabilang ang Barangay Pita at Barangay Babuyan sa mga geographically isolated and disadvantaged areas o GIDA sa Infanta, kung saan mas limitado ang access ng mga residente sa ilang pangunahing serbisyo at assistance, partikular sa panahon ng kalamidad.
Bahagi ang isinagawang relief operation ng patuloy na pagtugon ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan sa mga komunidad na naapektuhan ng kalamidad, lalo na sa mga lugar na mahirap maabot at nangangailangan ng agarang suporta.










