Iminungkahi ni Binmaley Mayor Pedro A. Merrera III na pag-aralan ang posibleng pagpapalawig sa termino ng mga barangay official kasunod ng usapin sa pagpapaliban ng Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) 2026.


Ayon kay Merrera, maaaring makatulong ang pagpapalawig ng termino upang magkaroon ng sapat na panahon ang mga kasalukuyang barangay official na maipagpatuloy at makumpleto ang kanilang mga programa at proyekto sa kani-kanilang nasasakupan.


Ipinaliwanag niya na maaaring hindi sapat ang tatlong taong termino, lalo na para sa mga bagong halal na barangay captain na maaaring matagalan bago makapagsimula ng mga proyekto dahil sa proseso ng pagkuha at paglalaan ng pondo.

--Ads--


Mahalaga rin aniya ang pagkakaroon ng sapat na panahon dahil magkakaiba ang laki, pangangailangan at kakayahang pinansyal ng bawat barangay. Maaari ring maantala ang mga proyekto dahil sa mga hindi inaasahang sitwasyon tulad ng bagyo, pagbaha at iba pang krisis na nangangailangan ng pagtuon at karagdagang pondo.


Sa kabila nito, binigyang-diin ni Merrera na kailangan pang pag-aralan ang usapin bago magkaroon ng anumang pagbabago sa termino ng mga barangay official. Kinikilala rin niya ang pagsisikap ng mga kasalukuyang opisyal na magpatuloy sa pagtugon sa pangangailangan ng kanilang mga residente sa kabila ng limitadong pondo.