Target ng Commission on Elections (COMELEC) na magsagawa ng special election sa Disyembre 19 para sa lone congressional district ng Batanes.
Ito ay kasunod ng pagpanaw ni Batanes Representative Ciriaco Gato Jr. kahapon, Setyembre 21, dahil sa cardiac arrest.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Philippine kay COMELEC Chairman George Erwin Garcia, sinabi niya na ang naturang petsa ay pasok sa timeline na itinakda ng constitution at nasa proseso na ang poll body ng pagkukuwenta sa budget na kakailanganin para sa naturang halalan.
Tinatayang nasa 30,000 ang mga rehistradong botante sa lone district ng Batanes.
Sinabi rin ni Garcia na maaari nilang gamitin ang ilan sa mga kagamitan na gagamitin sana sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections o BSKE, matuloy man o hindi ang naturang halalan. Layunin umano nitong makatipid ang COMELEC sa gastusin para sa special election.
Kailangang isagawa ang special election hindi mas maaga sa 60 araw at hindi lalampas sa 90 araw mula nang mabakante ang posisyon.
Nagpatawag na rin si Garcia ng emergency meeting kasama ang mga field officials ng COMELEC para pag-usapan ang paghahanda para sa halalan.
Bagaman sunod-sunod ang mga naging halalan, special election at plebisito ngayong taon, sinabi ni Garcia na kailangan pa rin nilang maisagawa ang kanilang mandato.
Gayunman, kailangan aniya ng sapat na pondo at panahon upang maihanda ang lahat ng kinakailangan para sa special election.
Si Gato ay 66 anyos nang pumanaw. Nagsilbi siyang kinatawan ng Batanes mula 2019 at muling nahalal noong 2022 at 2025.










