Sa unang pagkakataon, dalawang mag-aaral mula sa Department of Social Work ng Pangasinan State University (PSU)–Lingayen ang nakapasok sa Top 10 ng Social Work Licensure Examination.
Nakapagtala ng rank 3 si Ruth Krysa Ubilas, habang nasa rank 7 naman si Ariane Dg. Samson sa nasabing pagsusulit.
Ayon kay Ubilas, naging inspirasyon niya ang mga pahayag ng kanilang unibersidad na kaya nilang maging topnotcher sa licensure examination. Aniya, hindi lamang para sa kaniyang sarili ang kaniyang tagumpay, kundi para rin sa kaniyang pamilya at sa buong Social Work community ng unibersidad.
Ibinahagi rin ni Ubilas ang kaniyang paghahanda bago ang pagsusulit. Bukod sa pag-enroll sa review center at pagsasagawa ng online review, nagbasa rin siya ng mga libro at reviewer na ginamit ng mga naunang pumasa sa board examination.
Bukod sa akademikong paghahanda, binigyang-halaga rin niya ang kaniyang mental at pisikal na kondisyon. Sinanay niya ang sarili na matulog nang maaga kahit nakasanayan na niyang magpuyat sa pag-aaral. Ginawa niya ito upang maging sapat ang kaniyang pahinga at hindi antukin isang araw bago ang pagsusulit.
Aminado si Ubilas na nakaranas din siya ng self-doubt habang naghahanda para sa board examination. Gayunman, pinili niyang magtiwala sa kaniyang sarili at higit sa lahat ay kumapit sa kaniyang pananalig sa Diyos.
Nahirapan din siya sa ilang bahagi ng pagsusulit, partikular sa Human Behavior at Social Welfare Policy, Programs and Services. Sa kabila nito, hindi niya inaasahan na makakakuha siya ng mataas na marka sa mga nasabing bahagi.
Ibinahagi rin ni Ubilas na siya na ang ikalimang social worker sa kanilang pamilya.
Samantala, halos hindi pa rin makapaniwala si Ariane Dg. Samson, Top 7 sa Social Work Licensure Examination, na nakamit niya ang naturang puwesto.
Ayon kay Samson, malaking tulong ang Social Work Department ng PSU sa kanilang paghahanda para sa board examination. Aniya, patuloy silang ginabayan at inihanda ng departamento para sa pagsusulit.
Ibinahagi rin niya na kinailangan niyang harapin ang sarili niyang mga pangamba at hamon habang sumasailalim sa board examination, lalo na sa mga bahagi kung saan siya nahirapan.
Sa kasalukuyan, kapwa naghahanda sina Ubilas at Samson para sa susunod na yugto ng kanilang propesyon—ang paghahanap at pag-aapply sa trabaho bilang mga bagong lisensiyadong social worker.










