Hinimok ni Senador JV Ejercito ang Department of Energy (DOE) na simulan na ang pagtatayo ng strategic fuel reserve ng bansa upang matiyak ang sapat at tuloy-tuloy na suplay ng langis at makatulong na mapigilan ang matinding pagtaas ng presyo kapag magkaroon ng pandaigdigang krisis sa enerhiya.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Finance sa panukalang badyet ng DOE, hiningan ni Ejercito ang ahensiya ng progreso sa plano nitong pagpapalawak sa strategic fuel reserves ng bansa.

Binigyang-diin ng senador na naging malinaw ang kahalagahan ng pagkakaroon ng sapat na reserba nang sumiklab ang tensiyon sa Middle East, na maaaring makaapekto sa suplay at presyo ng langis sa mga bansang umaasa sa importasyon.

--Ads--

Iginiit ni Ejercito ang pangangailangan na maisagawa na ang naturang proyekto kasabay ang mungkahing gawin itong isang multi-year program sapagkat mangangailangan ang proyekto ng malaking puhunan at panahon bago maisakatupara.

Samantala, aminado naman ang DOE na hindi agad maisasagawa ang malaking strategic reserve. Sa plano ng ahensiya, magsisimula muna sa mas maliit na stockpile bago unti-unting palawakin ang kapasidad hanggang maabot ang target na 90-araw na strategic fuel reserve.

Sa ilalim ng iminungkahing sistema, 30 araw na supply ang pananatilihin ng mga pribadong kumpanya, habang 60 araw naman ang magiging strategic reserve ng pamahalaan.

Ayon sa DOE, maaari umanong pondohan ang programa mula sa corporate funds ng Philippine National Oil Company (PNOC), kaya hindi kinakailangang kumuha agad ng pondo mula sa General Appropriations Act. Maaari ring makilahok ang mga pribadong investor sa pagtatayo at pagpapaunlad ng mga pasilidad para sa imbakan ng fuel.

Kasabay ng fuel security, hinimok din ni Ejercito ang DOE na pabilisin ang pagdaragdag ng kapasidad sa paglikha ng kuryente sa bansa.

Kinuwestyon niya ang ahensiya tungkol sa target nitong makapagpatayo ng humigit-kumulang 200 power-generation projects bago matapos ang kasalukuyang administrasyon.

Sa tugon ng DOE, lumabas na nasa 30 proyekto pa lang ang nakumpleto, habang may iba pang proyekto na isinasagawa o nakapila, ngunit kumpiyansa naman umano ang ahensiya na maaabot ang target na 200 proyekto.

Kasunod nito, nagpahayag naman ng pagkabahala si Ejercito sa mga ulat na may ilang power plant na hindi tumatakbo sa buong kapasidad habang patuloy na nakararanas ng kakulangan sa suplay ng kuryente ang Visayas.

Sinabi ng DOE na nakikipag-ugnayan na umano ito sa Energy Regulatory Commission (ERC) para sa pagbabantay sa operasyon ng mga power plant.

Bilang pansamantalang hakbang, nagde-deploy din ang pamahalaan ng mga barge at battery energy storage system upang makatulong na matugunan ang kakulangan sa suplay ng kuryente sa Visayas.