Sa kabila ng nagpapatuloy na krisis sa langis, sinabi ng Department of Transportation (DOTr) na wala itong pondo para sa fuel subsidies sa susunod na taon.
Sa briefing ng DOTr at mga attached agency at korporasyon nito sa Senado hinggil sa panukalang budget para sa 2027, nanawagan si Transportation Acting Secretary Giovanni Lopez sa Kongreso na maglaan ng pondo.
Idinagdag niya na napapanahon ang fuel subsidy.
Ayon kay Lopez, nagamit ng DOTr ang P2.5 billion mula sa 2025 budget nito para sa fuel subsidy noong unang bahagi ng taong ito, na naipamahagi sa loob lamang ng dalawa hanggang tatlong buwan.
Sinabi rin ng DOTr chief na walang nakalaang pondo para sa EDSA Busway kaya humingi siya ng tulong sa Senado.
Ang DOTr family ay may alokasyon na P300.96 billion sa ilalim ng 2027 National Expenditure Program (NEP).
Ang pinakamalaking bahagi nito ay mapupunta sa Office of the Secretary na nagkakahalaga ng P251.93 billion, na sinundan ng Philippine Coast Guard (PCG) na may alokasyon na P45.51 billion.
Nagpanukala ang DOTr ng 179 proyekto, subalit 30 lamang ang binigyan ng alokasyon sa NEP.
Nanawagan din si Lopez sa Senado ng pondo para sa hindi bababa sa tatlong PCG stations sa Kalayaan Island Group sa West Philippine Sea.










