Nanatiling matatag at hindi umano apektado ang morale ng House Prosecution panel sa kabila ng inilabas na show cause order ng Senate Impeachment Court laban sa dalawa nitong miyembro, ayon kay panel Deputy Spokesperson Atty. Hez Montalan.
Inilabas ang naturang order upang pagpaliwanag sina Rep. Terry Ridon at Atty. Benjamin Tolosa hinggil sa umano’y posibleng paglabag sa sub judice rule kaugnay ng pampublikong pagtalakay sa merito ng umuusad na kaso.
Ayon kay Atty. Montalan, buo ang suporta ng buong panel sa dalawang prosecutor at inihayag na nakapagsumite na ang mga ito ng opisyal na tugon na kinumpirma na ring natanggap ng korte.
Binigyang-diin ng tagapagsalita na hindi nila itinuturing na ‘damaging’ o isang gag order ang hakbang ng Senado, kundi bahagi lamang ng karaniwang pag-iingat ng impeachment court sa pagpapatakbo ng paglilitis.
Tiniyak ng legal team na maninindigan sila sa naging sagot ng dalawang miyembro, kasabay ng giit na wala silang ginawang anumang paglabag kundi ang magbigay lamang ng malinaw na paliwanag sa publiko tungkol sa proseso ng paglilitis.










